MAGSASAKA, SUGATAN MATAPOS SAKSAKIN NG BAYAW

Nagpapagaling na ngayon ang isang magsasaka mula sa Brgy. Rizal, Cauayan City, Isabela matapos saksakin ng kaniyang mismong bayaw kamakailan lamang.

Kinilala ang biktima na si alyas “Jun” di niya tunay na pangalan, 52 taong gulang, may asawa, at residente ng nabanggit na lugar.

Habang ang suspek naman sa pananaksak ay kinilala na si alyas “Lito” di niya tunay na pangalan, 51 taong gulang, may asawa, electrician, at residente naman ng Purok 6, Guayabal, Cauayan City, Isabela.

Nangyari ang insidente sa lamay mismo ng kanilang biyenan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City PS, nangyari ang pananaksak matapos na magbitaw ng ilang mga salita ang suspek laban umano sa anak na babae ng biktima.

Kaugnay nito, nagtamo ng ilang sugat sa palad, kamay, at kanang bahagi ng tiyan ang biktima, matapos nitong subukang saluhin at pigilan ang pananaksak ng suspek.



Agad namang rumesponde ang ilang kasapi ng Cauayan City Police Station ng makatanggap ang mga ito ng report mula sa isang concerned citizen na s’yang nagresulta sa agarang pagkakadakip ng suspek.

Idinala na sa himpilan ng pulisya ang suspek pati ang biktima para sa karagdagang imbestigasyon at kalauna’y isinugod rin ang mga ito sa Cauayan District Hospital para sa karagdagang pagsusuring medikal.

Posible namang maharap ang naturang suspek ng kasong tangkang pagpatay o Attempted Homicide.

Facebook Comments