
Welcome para sa grupong MANIBELA ang ano mang hakbang para mapagaan ang pasanin ng mga tsuper kabilang ang ipatutupad na fuel discount simula August 15.
Sa anunsiyo ng Malacañang, itataas ang fuel discount para sa mga mga tsuper ng jeepney at UV Express sa P12 mula sa dating P10 simula sa August 15.
Pero sa panayam ng DZXL News 558 kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, hindi ito sapat at hindi ito kapalit ng matagal na nilang panawagan para sa makatarungang dagdag-pasahe.
Paliwanag ni Valbuena, sa araw-araw na karanasan ng mga tsuper, maraming beses na hindi nila naa-avail ang fuel discount dahil offline ang sistema ng mga gasolinahan.
Maliban dito, limitado rin ang mga kalahok na istasyon o kaya’y hindi naibibigay ang diskwentong ipinapangako.
Dahil dito, maraming tsuper ang nauuwi pa rin sa pagbili ng krudo sa buong presyo.
Aniya, ang fare increase ang tunay na direktang tulong sa mga tsuper at ito ang agarang nagdaragdag sa kanilang araw-araw na kita at hindi na nila kailangang makiusap o makipagtalo pa sa mga gasolinahan upang makuha ang benepisyo.
Maari ding naiyang suspendehin na ang excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo at ailangan ding pag-aralan at ipatupad ang tamang rollback ng mga produktong petrolyo.










