
Pabalik sa New Quezon City Jail sa Payatas si Senator Jinggoy Estrada matapos ipagpaliban ng Sandiganbayan 2nd Division ang arraignment at pre-trial sa kasong graft na isinampa laban sa senador.
Nagkaroon ng kalituhan sa pagdinig ng Sandiganbayan 2nd Division dahil sa magkaibang posisyon ni Senator Estrada at ng kaniyang legal counsel.
Ayon sa legal counsel ng senador, hiniling nilang i-reschedule ang nakatakdang arraignment at pre-trial dahil sa mga nakabinbing mosyon na inihain ng kampo ni Estrada.
Gayunman, taliwas ito sa personal na pahayag ni Senator Estrada na nais niyang ituloy ang arraignment ngayong Martes ng hapon, June 2, na kalaunan ay binawi rin niya.
Sa kabilang banda, hiniling din ng legal counsel ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ipagpaliban ang pagsasakdal dahil sa kaniyang altapresyon at diabetes.
Umabot umano sa 160/90 ang blood pressure ni Bonoan nang sumailalim siya sa blood pressure test bago magsimula ang itinakda sanang arraignment.
Ayon sa korte, naghanda na ito para sa nasabing pagdinig, ngunit pinagbigyan pa rin ang mosyon ng mga akusado na i-reschedule ang arraignment.
Isa rin sa mga dahilan kung bakit pumayag ang korte na ipagpaliban ito ay dahil wala umanong hawak na kopya ang prosekusyon ng mga kaukulang dokumento kaugnay ng mga pending motion na sinasabing isinumite ng kampo ni Sen. Estrada sa pamamagitan ng email.
Ang bagong iskedyul ng arraignment at pre-trial ay itinakda sa alas-1:30 ng hapon sa Huwebes, June 4. Pinayuhan din ng korte ang mga akusado na tiyaking handa ang kanilang mga dokumento at argumento sa susunod na pagdinig.
Samantala, isinugod umano si Bonoan sa Philippine National Police General Hospital at patuloy na binabantayan ng Criminal Investigation and Detection Group.










