
Magdadagdag pa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng trash skimmer para mas mapabilis ang paghahakot ng tone-toneladang basura na inanod sa isang creek sa tapat ng Baclaran Church sa Parañaque City.
Ang trash skimmer ay isang mechanical device na ginagamit para sa pangongolekta ng lumulutang na basura sa katubigan.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, sa ngayon ay isa pa lamang ang skimmer machine na naglilinis sa area at balak nila itong dagdagan ng dalawa pang makina.
Ito ay para mas mabilis na mahakot ang mga basurang inanod sa area dahil sa high tide.
Tuloy-tuloy pa rin naman ang mano-manong paglilinis ng MMDA, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa nasabing creek.
Pabor naman si Torre sa panukalang taasan ang multa sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan at hiniling nito ang kooperasyon ng bawat isa para maiwasan ang ganito na namang sitwasyon sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.
Sa datos ng Parañaque LGU, pumalo na sa 72 truck ng basura ang nahakot sa lugar.










