
Iminungkahi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na pansamantalang suspendihin ang pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) o Republic Act No. 12001 upang maiwasan ang dagdag na gastos sa mga ari-arian at mga negosyo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, layunin nitong mapanatili ang pagpasok ng mga pamumuhunan at matiyak ang maayos at unti-unting paglipat sa bagong property valuation system.
Inihain ng Pangulo ang panukala sa ikaapat na Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang nitong Huwebes.
Sa naturang pulong, tinalakay rin ang 24 na prayoridad na panukalang batas ng administrasyon na target maipasa bago matapos ang Hunyo 2027.
Kabilang dito ang Anti-Political Dynasty Bill, Party-list System Reform Act, Right to Information Act, General Tax Amnesty, mga amyenda sa EPIRA Law, at Sariling Kuryente Act.










