
Patuloy ang koordinasyon ng Kamara sa pangunguna nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para tiyaking maibibigay ang pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng pag-ulan at baha.
Ayon kay House Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin, pangunahin sa mga ahensiya kung saan mahigpit ang koordinasyon nina Dy at Marcos ay ang Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Sabi ni Garin, malaking bagay na maagang naiposisyon ng DSWD sa mga regional offices nito at municipal level ang mga kailangang supplies sa mga evaucation centers tulad ng food packs, hygiene kits at family kits.
Binanggit ni Garin, na bukod dito ay agad ding naihanda ng DOH ang mga mahalagang gamot sa gitna ng pananalasa ng mga bagyo at habagat tulad ng doxycycline at water purification tablets.
Dagdag pa ni Garin, nakatutok sina Speaker Dy at Representative Marcos sa pamamahati ng tulong at pagtugon ng mga kaukulang ahensiya para kanilang matukoy ang dapat na adjustments sa paglalaan ng alokasyon sa ilalim ng pambansang pondo para sa susunod na taon.










