
Patay ang 2 indibidwal na kinabibilangan ng isang pulis at isang sibilyan, habang isa ang sugatan na isa ring pulis sa nangyaring shooting incident sa parking area ng isang resort sa Maragondon, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, ang nasabing insidente ay nangyari kaninang 1:30 ng madaling araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ang mga nasabing indibidwal ay naiulat na aalis na ng resort nang magkaroon ng mainit na argumento sa nasabing parking ng resort na nagresulta sa insidente ng pamamaril.
Kinilala ang suspek na si PCpl Rolando Periodico Jr., 35 years old at naka-assign sa Trece Martires Component City Police Station, kung saan siya ay naaresto na rin at nasa kustodiya ng pulisya.
Narekober sa lugar ng insidente ang dalawang 9mm pistols, isang Glock 17 na inisyu sa suspek at isang Pietro Beretta na inisyu naman sa isa pang pulis na sangkot.
Samantala, bilang hakbang sa nasabing insidente at command responsibility, ni-relieve muna sa puwesto ang Chief of Police ng Maragondon Police Station at siya ay inilagay muna sa Cavite Personnel Holding and Accounting Section (PHAS), habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










