MAHIGIT P880K HALAGA NG MARIJUANA, SINIRA SA ERADICATION OPERATION SA ILOCOS SUR ‎

‎Tinatayang aabot sa P880,000 ang halaga ng mga tanim na marijuana na winasak ng mga awtoridad sa isinagawang marijuana eradication operation sa Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur mula Hunyo 14 hanggang 16.

‎Pinangunahan ng mga tauhan ng 2nd Ilocos Sur Provincial Mobile Force Company ang operasyon katuwang ang Ilocos Sur Provincial Drug Enforcement Unit (ISPDEU), PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1, at KIMAT ng Sugpon Municipal Police Station.

‎Sa isinagawang operasyon, natuklasan ng mga awtoridad ang isang plantasyon ng marijuana na may lawak na humigit-kumulang 550 metro kuwadrado. Mula rito ay nabunot at nasira ang tinatayang 4,400 ganap nang lumaking halamang marijuana.

‎Ayon sa ulat, isinagawa ng mga operatiba ang wastong dokumentasyon, imbentaryo, at ebalwasyon bago tuluyang sirain sa pamamagitan ng pagsusunog ang mga nakumpiskang halaman alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

‎Bagama’t walang naaresto o natukoy na nagtatanim ng marijuana sa lugar, itinuturing ng pulisya na malaking hakbang ang operasyon sa pagpigil sa pagkalat ng ilegal na droga sa komunidad.

‎Binigyang-diin ng mga awtoridad na patuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mas pinaigting na operasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang law enforcement agencies upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maprotektahan ang mga komunidad laban sa masamang epekto ng mga ipinagbabawal na gamot. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments