
Nagsagawa ng kilos-protesta ang Grupong Kilusan sa bahagi ng Recto Avenue malapit sa Quezon Blvd. sa Maynila kasabay ng ika-128th Araw ng Kalayaan.
Panawagan ng grupo sa pamahalaan na resolbahin sana ang iba’t-ibang isyu na taumbayan ang pinaka-apektado at hindi ang usapin sa politika.
Ilan sa mga problema o isyu na dapat daw tutukan ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin kung saan marami na ang nahihirapan dahil sa walang suporta mula sa gobyerno.
Bukod dito, hiling nila na palayasin na ang mga tropang Amerikano na isa sa mga pasimuno ng kaguluhan o giyera sa Gitnang-Silangan kaya’t bumulusok ang presyo ng produktong petrolyo na ang mga mahihirap na pamilya ang lubos na naapektuhan.
Muli nilang iginigiit na walang katuturan ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa Amerika para lamang sa mga military exercises.
Giit nila, bilyong piso ang pondo ng Department of National Defense (DND) na dapag sana ay inilaan na lamang sa mga magsasaka at ipinagawa na lang sana ng mga silid-aralan para sa mga estudyante.
Sa huli, sinabi ng Grupong Kilusan na huwag ng pagtuunan ng pansin o balakin pa na muling paganahin ang nuclear power plant dahil magiging banta pa ito sa kaligtasan ng bawat pamilyang pilipino.










