
Pinasara ngayong araw ng Department of Migrant Workers (DMW) ang main office at ang apat na branches ng Hikari Japanese Learning Center Corporation.
Ayon sa Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang naturang language and culture learning center ay iligal na nag-aalok ng trabaho patungong Japan.
Bukod sa head office ng Hikari Japanese Learning Center Corp. sa Panabo City, Davao Del Norte, pinasara rin ng DMW ang apat na sangay nito sa Maynila, Rosario, Cavite, Davao City, at General Santos City.
Nabatid na inaalok ng language learning center ang kanilang recruits na mag-enroll ng apat na buwang language training sa halagang P33,710 at pagkatapos ay aalukin sila ng trabaho sa Japan.
Kabilang sa mga trabahong inaalok sa recruits ay sa mga hotel at restaurant, gayundin sa food processing, caregiving, farming, at food and beverage manufacturing.