Mas pinalalawak ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute-Regional Training Center I ang access ng mga magsasaka sa makabagong teknolohiya, impormasyon at iba’t ibang learning resources bilang bahagi ng pagsusulong sa mas episyenteng produksyon sa agrikultura.
Tampok dito ang paglulunsad ng iba’t ibang proyekto sa isinagawang pagbubukas ng selebrasyon para sa National Agriculture and Fisheries Extension Services Month nitong Oktubre 5, 2026 sa Barangay Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Kabilang sa mga pinasinayaan ang Agri-Innovation Hub, na nakatuon sa pagkilala at paggamit ng mga makabagong inobasyon, teknolohiya at ideya na maaaring makatulong sa pagpapabilis at pagpapahusay ng produksyon.
Inilunsad din ang Agri-Ammuanan: Your Online Learning Hub for Agriculture and Fisheries, and Innovation, isang online learning platform na naglalayong gawing mas madaling ma-access ng mga magsasaka ang mga kinakailangang impormasyon at kaalaman sa agrikultura at pangisdaan.
Samantala, pinasinayaan din ang Knowledge Resource Center, na magsisilbing sanggunian ng mga magsasaka at extension workers para sa iba’t ibang impormasyon at learning materials.
Ayon kay ATI I Center Director Dr. Jayvee Bryan Carillo, patuloy ang kanilang mga hakbang upang mailapit sa mga magsasaka ang mga serbisyong makatutulong sa kanilang produksyon.
Samantala, hinihikayat ng ahensya ang mga magsasaka na samantalahin ang mga bagong teknolohiya, inobasyon at learning resources upang madagdagan ang kanilang kaalaman at makatulong sa pagpapadali ng kanilang mga gawain.
Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng selebrasyon ng National Agriculture and Fisheries Extension Services Month na may temang “Extension at Work: Empowering Communities, Sustaining Growth.” | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










