Halos 140 kilo ng umano’y “hot meat” o karne ng baboy mula sa mga hindi awtorisadong katayan ang nakumpiska ng mga awtoridad sa magkakasunod na meat inspection operations sa Mangaldan, Pangasinan.
Umabot sa 138.8 kilo ang kabuuang nakumpiskang karne mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4.
Kabilang dito ang 96 kilo na nasabat noong Setyembre 30, 7.5 kilo noong Oktubre 3, at 35.3 kilo noong Oktubre 4 sa Mangaldan Public Market at mga talipapa sa walong barangay.
Isinailalim naman sa wastong confiscation at condemnation procedures ang lahat ng nakumpiskang karne upang hindi na maibenta o makonsumo ng publiko.
Kasunod nito, pinaiigting ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang mga hakbang laban sa posibleng pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa bayan.
Nagpakilos si Mayor Bona Fe de Vera-Parayno ng joint task force para sa mas mahigpit na pagbabantay, na pinangunahan ni Municipal Administrator Atty. Teodora S. Cerdan, sa ngalan ng alkalde, sa pagpupulong nitong Oktubre 5 kasama ang iba’t ibang tanggapan ng LGU at Mangaldan PNP.
Batay sa Bureau of Animal Industry o BAI, nananatili ang Mangaldan sa Yellow Zone o surveillance zone at wala pang naitatalang kaso ng ASF sa bayan, bagama’t patuloy itong mino-monitor.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang animal quarantine checkpoints at mahigpit na “No Documents, No Entry” policy para sa mga sasakyang nagdadala ng baboy sa Municipal Abattoir o slaughterhouse.
Patuloy din ang inspeksyon sa mga meat establishment upang matiyak ang pinagmulan ng karne, pagkakaroon ng Meat Inspection Certificate o MIC, at pagsunod sa food safety at sanitation requirements.
Muling nagbabala ang LGU laban sa backyard slaughtering dahil hindi dumaraan sa opisyal na veterinary at meat inspection ang mga karneng nagmumula rito.
Ayon sa mga awtoridad, hindi nakahahawa sa tao ang ASF, ngunit maaari itong magdulot ng malaking epekto sa industriya ng paghahayupan at pagkalugi sa mga hog raiser.
Dahil dito, nagpapatuloy ang quarantine, tracing, meat inspection at surprise inspections ng LGU Mangaldan upang mapigilan ang posibleng pagpasok at pagkalat ng ASF sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










