Sa ngayon, umabot sa ₱24.72 kada kilo ang average farmgate price ng dried palay sa lalawigan noong Oktubre, mas mataas kumpara sa ₱23.27 kada kilo na naitala noong Setyembre.
Dahil dito, umaasa ang mga magsasaka na makabawi sa kanilang pagkalugi dulot ng magkakasunod na pagbaha at pag-ulan na dala ng mga nagdaang bagyo at habagat nitong mga nakaraang buwan.
Isa sa mga umaasang makababawi ang magsasakang si Bernie Alano, residente ng Sta. Barbara, Pangasinan.
Ayon kay Alano, inaasahan nilang mababawi sa ikalawang taniman ng palay ang nalugi sa kanilang unang crop bunsod ng mga kalamidad.
Dagdag pa ni Alano, umaasa silang magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng palay na kanilang ibinebenta upang kahit paano ay mabawi ang kanilang mga naging pagkalugi.
Bukod sa mas mataas na buying price ng palay, nananawagan din siya na maibaba ang presyo ng mga binhi at patabang ginagamit sa pagsasaka upang mabawasan ang kanilang gastusin sa produksyon.
Sa ngayon, umaasa ang mga magsasaka na mananatiling maganda ang presyo ng palay pagsapit ng susunod na anihan, kasabay ng pagbaba ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa pagsasaka upang masiguro ang mas maayos na kita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








