Hindi naging kasing sigla ng inaasahan ang bentahan ng mga religious items sa Manaoag, Pangasinan sa kabila ng pagdagsa ng mga deboto para sa Rosary Feast of Our Lady of Manaoag.
Ayon kay Myr Forteza, isa sa mga manlalako ng religious items, napapansin nilang marami sa mga bumibisita sa Manaoag ang dumidiretso lamang sa simbahan at hindi na namimili ng mga religious items.
Dahil dito, nahaharap sila sa matumal na bentahan habang patuloy namang tumataas ang presyo ng kanilang mga paninda.
Umabot umano sa ₱30 ang itinaas ng presyo ng ilang produkto, bunsod ng pagtaas din ng kanilang puhunan o halaga ng mga produktong kinukuha nila para ibenta.
Bilang pag-iingat sa puhunan, binabawasan din ng mga manlalako ang dami ng kanilang kinukuhang produkto upang hindi maipon ang mga paninda.
Paliwanag nila, kapag matagal na hindi naibebenta ang ilang religious items, maaaring kumupas o masira ang pintura at kulay ng mga ito.
Nangangailangan pa ito ng repair na dagdag gastos at maaari ring makaapekto sa kanilang puhunan.
Sa kabila ng hamon, umaasa ang mga manlalako na babalik ang sigla ng bentahan kahit wala nang espesyal na okasyon, upang magpatuloy ang kanilang kabuhayan sa Manaoag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










