Tuesday, September 1, 2026

MALAKING ROLLBACK SA DIESEL AT KEROSENE, SINALUBONG ANG SETYEMBRE

Magandang balita para sa mga motorista sa pagsisimula ng Setyembre dahil magpapatupad ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Martes, Setyembre 1.

Sa abiso ng Seaoil, bababa ng ₱3.83 kada litro ang diesel, ₱3.84 kada litro ang kerosene, at ₱0.32 kada litro ang gasolina. Epektibo ang price adjustment alas-6 ng umaga.

May bahagyang pagkakaiba naman sa rollback depende sa kumpanya. Sa Shell at Petron, nasa ₱3.80 kada litro ang bawas sa diesel at kerosene at ₱0.30 kada litro sa gasolina. Samantala, mas malaking ₱3.90 kada litro ang rollback sa diesel ng Jetti at ₱0.40 kada litro sa kanilang gasolina.

Dumarating ang malaking bawas-presyo matapos ang dalawang sunod na linggo ng oil price hikes. Noong nakaraang linggo lamang, tumaas ng ₱1.08 kada litro ang gasolina, ₱2.31 ang diesel at ₱0.95 naman ang kerosene.

Iniuugnay ang rollback sa pagbaba ng presyo sa international oil market kasabay ng paghupa ng ilang pangamba sa supply bunsod ng geopolitical tensions. Gayunman, nananatiling sensitibo ang pandaigdigang presyo ng langis sa mga pagbabago sa sitwasyon sa Middle East.

Malaking ginhawa ang inaasahang maidudulot ng rollback lalo na sa mga pampublikong transportasyon, delivery services at iba pang sektor na malaki ang konsumo sa diesel.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang kabuuang paggalaw ng presyo ngayong taon. Bago ang rollback, umabot na sa net increase na ₱54.92 kada litro sa gasolina, ₱59.06 sa diesel at ₱51.65 sa kerosene ang year-to-date adjustments. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments