Monday, June 22, 2026

MANAOAG, PANGASINAN – PULIS AT MGA DEBOTO, NAGKAISA SA PAGTULONG SA LALAKING NASUGATAN

Isang pagpapakita ng malasakit at bayanihan ang naobserbahan sa harap ng Manaoag Police Station matapos matulungan ang isang lalaking biglang bumagsak at nagtamo ng pinsala sa paa habang nasa lugar.

Ayon sa ulat, agad na rumesponde si Police Senior Master Sergeant Somiquiab matapos mapansin ang lalaking nadapa at nahirapang tumayo dahil sa matinding pananakit at kawalan ng kakayahang tumapak sa kaliwang paa na hinihinalang may bali.

Agad siyang humingi ng karagdagang tulong mula sa istasyon at nagpasundo ng ambulansya upang maisugod sa ospital ang biktima.

Napag-alaman na ang biktima ay isang bisita mula San Fabian, Pangasinan at isang diabetic patient na nagtungo sa Manaoag bilang paggunita sa Araw ng mga Ama.

Habang hinihintay ang pagdating ng emergency responders, ilang deboto at mga dumadaan ang boluntaryong tumulong. Nagbahagi sila ng payong upang maprotektahan ang biktima mula sa matinding sikat ng araw, habang ang ilang candle vendors ay tumulong sa pagbubuhat at maayos na paglipat sa kanya patungo sa stretcher at ambulansya.

Ang insidente ay patunay ng diwa ng bayanihan at malasakit sa komunidad, kung saan nagkaisa ang pulisya, mga deboto, vendors, at mga emergency responder upang agarang matulungan ang isang taong nangangailangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments