
Isinusulong ni Senator Mark Villar ang pagkakaroon ng mandatory na libreng health maintenance organization (HMO) coverage para sa lahat ng empleyado ng gobyerno.
Ayon kay Villar, nararapat lamang na matiyak ang kalusugan at kapakanan ng mga kawani ng pamahalaan lalo’t mahalagang katuwang sila ng pagsusulong ng kaunlaran at paghahatid ng serbisyong publiko.
Layon ng Senate Bill 2568 na mapahusay ang access sa medical care at matulungan ang mga empleyado ng pamahalaan at ang kanilang pamilya mula sa magastos at mataas na singil kapag may health emergencies.
Tinukoy ng senador na bagama’t nagbibigay ng health insurance coverage ang PhilHealth, hindi naman sakop ng benepisyo nito ang buong hospitalization, gamutan, at iba pang gastos medikal.
Sa panukala ni Villar, gagawing standard benefit sa mga government employees ang HMO coverage para maibsan ang problemang pinansyal sa mga hindi inaasahang gastos sa ospital at para mahikayat din ang mga kawani ng gobyerno na magpatingin para sa kanilang kalusugan.
Conde Batac, RMN Manila










