Bagama’t natuloy ang pasok ng mga mag-aaral noong Lunes ng umaga, September 7, agad na ipinag-utos ni Mayor Bona Fe De Vera-Parayno ang suspensiyon ng klase simula alas-1 ng hapon nang lumakas ang buhos ng ulan.
Batay sa monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, naipon ang tubig sa mabababang bahagi ng ilang paaralan at umabot din sa ilang silid-aralan.
Binaha rin ang ilang kalsada at purok sa bayan, kung saan umabot mula bukong-bukong hanggang halos tuhod ang tubig sa ilang lugar.
Dahil sa sitwasyon, sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas nitong September 8 upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mabigyang-daan ang paghupa ng tubig, paglilinis at paghahanda ng mga paaralan bago muling gamitin ang mga silid-aralan.
Binigyang-diin naman ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at barangay upang mapanatiling maayos ang mga daluyan ng tubig at mabawasan ang pag-ipon ng baha sa loob at paligid ng mga paaralan.
Patuloy namang mino-monitor ng mga lokal na awtoridad ang mga lugar na madaling bahain, lalo na sa gitna ng patuloy na pag-ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








