Wednesday, September 9, 2026

Grupo ng mga doktor na mula sa gobyerno na hiwalay na mag-assess sa kondisyon ni dating House Speaker Romualdez, welcome sa PNP

Welcome sa Philippine National Police (PNP) na magdagdag ng grupo ng mga doktor mula sa gobyerno na hiwalay na susuri sa kondisyon ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni PNP Public Information Officer (PIO) Chief Police Col. Allen Rae Co, maigi ito para na rin mabura ang mga agam-agam at hinala na may nangyayaring special treatment.

Nabatid na ang nasabing hakbang ay isinagawa na rin noon kay Sen. Rodante Marcoleta na tiningnan na rin ang kanyang kondisyon ng ibang doktor ng gobyerno tsaka ito inilipat sa regular na piitan.

Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hihilingin ng proseksyon na grupo ng mga government doctors ang magsasagawa ng hiwalay na assessment kay Romualdez na nakaconfined ngayon sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.

Ayon pa kay Clavano sakali mang hindi na kailanganin ni Romualdez ng hospital confinement, hihilingin ng prosekusyon na agad mailipat ito sa regular na piitan kung nasaan ang ibang mga akusado na may kasong non-bailable.

Facebook Comments