Friday, September 11, 2026

NGCP, hiniling sa mga consumer na magtipid sa paggamit ng kuryente kasunod ng Red at Yellow Alert status sa Visayas at Mindanao Grid ngayong araw

Nanawagan na ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na magtipid sa paggamit ng kuryente.

Kasunod na rin ito ng pagdedeklara na naman ng Red Alert sa Visayas Grid ngayong araw mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi.

Ang Yellow Alert naman ay mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon, at muling mula alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng Red at Yellow Alert ang hindi pa rin operational na malalaking coal-fired power plants na TVI 1, TVI 2, at PEDC 3, gayundin ang limitadong pag-angkat ng kuryente mula sa Mindanao Grid.

Samantala, itataas din ang Yellow Alert sa Mindanao Grid mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.

Sinabi ng NGCP na ang Yellow Alert ay bunsod ng pumalyang malalaking coal-fired power plants na GNPK 2 at GNPK 3, na nakaapekto sa reserbang suplay ng kuryente sa rehiyon.

Ang Red Alert ay nangangahulugang kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer, habang ang Yellow Alert ay indikasyon na manipis ang reserbang kuryente para sa mga posibleng aberya sa transmission system.

Facebook Comments