
Iginiit ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na ang 1987 Constitusyon lang ang dapat sundin sa pagdetermina ng nararapat na bilang ng boto ng mga senator-judges sa paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Pahayag ito ni Garbin sa harap ng pag-imbita ng Senate impeachment Court sa apat na respetadong retiradong mahistrado para pakinggan patungkol sa nararapat na voting threshold sa impeachment trial.
Tinukoy ni Garbin na nakasaad sa Article XI, Section 3 ng Saligang Batas na kilangan ng concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado sa para mag-convict sa impeachment.
Ayon kay Garbin, na isang abogado, 24 ang miyembro ng Senado kaya 16 ang Two-thirds nito na hindi na kailangan pang gamitan ng calculator, doktrina o paliwanag ng isang legal na eksperto.
Diin ni Gabin, kung nais baguhin ang two-thirds requirement ay dapat amyendahan muna ang Konstitusyon sa prosesong itinakda nito at hindi baguhin sa pamamagitan lamang ng isang ruling.










