Friday, June 12, 2026

P86.7-M halaga ng pulang sibuyas mula China, wawasakin ng mga awtoridad

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad para sa wastong disposisyon ng 650 metric tons ng pulang sibuyas mula sa China na nagkakahalaga ng P86.7 milyon upang matiyak na hindi ito makakapasok sa merkado.
 
Ayon sa Department of Agriculture (DA), may potensyal na magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga konsyumer ang naturang kargamento dahil sa pagkakaroon ng amag at malawakang pag-usbong (sprouting) ng mga sibuyas matapos ang ilang buwang pagkakaimbak.
 
Dumating sa bansa ang shipment sa pagitan ng December 2025 at January 2026, ngunit hindi umano ito kinuha ng importer sa kabila ng pagkakaroon ng import permits.
 
Batay sa isinagawang visual inspection ng mga awtoridad, hindi na ligtas kainin ang mga sibuyas kaya kinakailangan na itong sirain o itapon.
 
Samantala, natuklasan din na ang abandonadong shipment ay may hindi pa nababayarang customs duties at buwis na umaabot sa humigit-kumulang P9.7 milyon.
 
Kinumpiska ng Bureau of Customs ang naturang kargamento alinsunod sa Section 1129 ng Customs Modernization and Tariff Act.

Facebook Comments