Thursday, June 11, 2026

DILG, hiningi ang kooperasyon ng lahat ng partido sa imbestigasyon ng CIDG sa pagkamatay ng 2 estudyanteng-atleta ng ADMU

Hiningi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang buong kooperasyon ng mga partido sa imbestigasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa pagkamatay ng dalawang estudyanteng-atleta ng Ateneo de Manila University (ADMU).

Sa isang pahayag, nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang DILG sa mga naulilang pamilya nina Rene Baterbonia at Divine Adili, at sa Ateneo community.

Kinumpirma ng DILG na nagsimula na ang pagsisiyasat ng PNP-CIDG sa pagkasawi ng dalawang student-athletes, matapos na malunod habang nasa team building sa Dipaculao, Aurora.

Nag-isyu na ng mga subpoena sa mga coach at players na present o naroroon sa aktibidad, bilang parte ng fact-finding efforts, kasama ang pagsuri sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 11053, o Anti-Hazing Act of 2018.

Tiniyak naman ng DILG ang mahigpit na pagpapairal ng due process, at pagpapanagot depende kung saan sila dadalhin ng imbestigasyon.

Kaugnay nito, umapela ang DILG sa publiko na iwasan ang anumang espekulasyon, at hayaan ang mga awtoridad na magsagawa ng malalim at impartial na pagsisiyasat, bilang respeto sa mga naulilang pamilya at para lumabas ang katotohanan.

Facebook Comments