
Darating sa Pilipinas sa Hunyo 15 hanggang 17 si German Federal President Frank-Walter Steinmeier para sa isang state visit.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sasalubungin siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Germany na mahigit 70 taon nang magkaalyado.
Pag-uusapan ng dalawang lider ang mga isyung may kinalaman sa depensa, kapayapaan, kooperasyong pandagat, kalakalan at pamumuhunan, renewable energy, climate change, at pagpapalawak ng ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Tatalakayin din nila ang mga usaping panrehiyon at pandaigdigan, kabilang ang kasalukuyang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN.
Noong Marso 2024, bumisita si Pangulong Marcos sa Berlin, Germany kung saan nakipagpulong siya noon kay German Chancellor Olaf Scholz.
Ang Germany ang pinakamalaking trading at investment partner ng Pilipinas sa European Union.
Huling bumisita sa Pilipinas ang isang German head of state noong 1963.










