MATINDING INIT NA UMABOT SA 40 DEGREES CELSIUS SA MANGALDAN NOONG NOVEMBER 4, NAGTULAK SA MNHS NA MAGPATUPAD NG HALF-DAY CLASSES

Agad na nagpatupad ng half-day classes ang Mangaldan National High School o MNHS hanggang alas-dose ng tanghali noong November 4, matapos maitala ang temperaturang umabot sa 40 degrees Celsius sa bayan ng Mangaldan.

Layunin ng naturang hakbang na maiwasan ang posibleng epekto ng matinding init sa kalusugan ng mga mag-aaral, lalo na habang nasa loob ng mga silid-aralan.

Ayon kay Danilo S. Eden, school principal ng MNHS, hindi naman naaapektuhan ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa kabila ng pagpapaikli ng oras ng kanilang klase.

Ipinaliwanag ni Eden na ang mga araling hindi natatalakay sa hapon ay naipagpapatuloy sa pamamagitan ng modular classes, kung saan naghahanda at namamahagi ang mga guro ng learning materials upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Samantala, ayon sa ilang mag-aaral, may mga agad nang umuuwi pagkatapos ng klase, habang ang iba naman ay nananatili sa paaralan upang tapusin ang kanilang mga proyekto at maglaro ng isports.

Dagdag pa ni Eden, may mga panukala nang alternatibong iskedyul na kasalukuyang pinag-uusapan ng mga school heads upang makabuo ng mas angkop na oras ng klase sa gitna ng matinding init.

Binigyang-diin din ni Eden na isinasaalang-alang sa pagpapatupad ng half-day classes ang kalagayan ng mga mag-aaral na gumagamit ng mga silid-aralang may air-conditioning.

Sa huli, pinayuhan ni Eden ang mga mag-aaral na agad nang umuwi pagkatapos ng klase upang maiwasan ang posibleng aksidente o iba pang hindi kanais-nais na insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments