Tuesday, November 24, 2026

DALAWANG POSO OFFICERS SA DAGUPAN, INATAKE NG HIGH BLOOD HABANG NASA DUTY; EPEKTO NG MATINDING INIT, INIINGATAN

Dalawa na ang naitalang POSO officers sa Dagupan City na umano’y nakaranas ng high blood pressure dahil sa matinding init ng panahon.

Habang patuloy na pinaiigting ng Public Order and Safety Office (POSO) ang pagbabantay at pagmamanman sa mga kalsada, kinakaharap din ng kanilang mga tauhan ang matinding init na dulot ng tag-araw.

Ayon kay Arvin B. Decano, POSO Chief, sa panayam ng IFM Dagupan, hindi muna pinapabalik sa pagroronda ang mga opisyal na labis na naapektuhan ng init upang maiwasan ang posibleng mas malalang kondisyon.

Aniya, hindi naman nababawasan ang oras ng kanilang pagtatrabaho dahil maaari silang pansamantalang pumuwesto sa gilid at magpahinga habang matindi ang sikat ng araw.
Maaari silang muling bumalik sa kanilang tungkulin kapag maayos na ang kanilang pakiramdam.

Isa rin sa mga hakbang na kanilang isinasagawa upang maibsan ang epekto ng init ay ang mas madalas na pag-inom ng tubig.

Sa huli, muling pinaalalahanan ni Decano ang mga POSO officers na iwasang magbabad sa ilalim ng tirik na araw at huwag mag-atubiling pansamantalang magpahinga upang maiwasan ang anumang komplikasyong dulot ng matinding init ng panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments