
Inoobliga na ang lahat ng chairman ng 897 barangay sa Maynila na magkabit ng 10 CCTV o closed circuit television bilang hakbang kontra krimen.
Sa pakikipag-ugnayan ng Manila City Hall Press Club kay Manila District 1 Councilor Jhun Ibay na siyang Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, malaki ang maitutulong ng naipasang City Ordinance No. 9152 o Barangay CCTV Ordinance of 2025 para sa seguridad ng bawat komunidad.
Ayon kay Ibay na siyang principal author ng ordinansa, makakatuwang ng bawat barangay ang Manila Police District (MPD) sa paglalagay ng CCTV sa mga strategic na lugar kung saan kadalasan nangyayari ang krimen.
Aniya, magiging responsibilidad naman ng bawat opisyal ng barangay ang pagbili o paglalagay ng CCTV gamit ang sarili nilang pondo.
Paliwanag ni Ibay, mananagot ang bawat chairman ng barangay kung hindi ito maipapatupad ng maayos kung saan maaari silang masuspindi kapag nagpabaya sa pagbabantay at pagmomonitor.
Bukod dito, hindi lamang para sa pagbabantay ng krimen ang paglalagay ng CCTV kungdi makakatulong din ito sa ibang bagay na magbebenepisyo ang baqat Manileño.










