
Aabot sa kabuuang 9,553 na mga Philippine National Police (PNP) personnel ang inaasahang ipakakalat para sa ikakasang White Ribbon Protest sa Edsa People Power Monument, Quezon City sa June 28.
Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Spokesperson Major Hazel Asilo, sa ngayon ay wala naman silang namomonitor na banta kaugnay ng nasabing aktibidad.
Ang nasabing nationwide rally na ito ay inorganisa ng mga religious and civil society group sa pangunguna ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation na nanawagan para sa electoral reforms, pananagutan ng gobyerno, laban sa korapsyon at political dynasties.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tinitiyak ng PNP na mananatili itong apolitical at nakatuon sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng lahat habang nirerespeto ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon at karapatan sa pamamahayag.
Samantala,inatasan na rin ng liderato ng PNP ang lahat ng operational units nito patungkol sa maximum tolerance, striktong pagsasaayos ng trapiko at sa civil disturbance protocol.










