
Makikita nang muli ngayon si Vishwa Ma’ali o ang elepante na naging main attraction sa Manila Zoo hanggang noong 2023.
Pero imbes na sa Manila Zoo, makikita ngayon si Ma’ali sa National Museum of Natural History matapos itong isailalim sa taxidermy o ang proseso nang pagpe-preserve ng balat ng patay na hayop para ihulma at magmukhang buhay.
Gayunpaman, mariin namang iginiit ni People for the Ethical Treatment of Animal o PETA Asia President Jason Baker na ang paglalagay kay Ma’ali sa National Museum ay kailangang magsilbeng paalala sa publiko na walang elepante ang kailangang mamatay sa loob ng kulungan ng mga hayop nang hindi man lang nabibigyan ng pagkakataon na mamuhay ng normal kasama ang kaniyang mga kapuwa-elepante.
Matatandaang dumating sa bansa si Ma’ali noong siya’y 11 buwan pa lang bilang regalo ng pamahalaan ng Sri Lanka sa children of Manila noong 1970’s bilang simbolo ng pagkakaibigan, at namatay sa edad na 40 plus dahil sa congestive heart failure noong November 2023.
Samantala, libre naman ang pagbisita kay Ma’ali sa National Museum of Natural History mula alas-nwebe ng umaga hanggang ala-sais ng gabi, araw-araw.










