
Balewala para kay Senator Robinhood Padilla ang mga natatanggap na bashing o pagtuligsa sa kanya ng mga netizens sa social media dahil sa mga pagtatanong sa impeachment trial.
Kaugnay na rin ito sa naging pagtatanong ni Padilla kay Atty. Mae Divinagracia ng prosecution team tungkol sa paggamit ng alias kung saan tinukoy niya maging ang mga Pilipinong bayani ay gumamit din noon ng iba’t ibang aliases.
Giit ni Padilla, hindi naman mga netizens ang namba-bash sa kanya kundi mga trolls.
Katunayan, masaya pa aniya siya para sa mga trolls dahil pinagkakakitaan ng mga ito ang pamba-bash sa kanya.
Hindi naman sinagot ni Padilla ang pagkukumpara niya sa paggamit ng alias ng mga bayani sa mga aliases na nakalagda sa mga acknowledgement receipts na tumanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Padilla na lalabagin niya ang sub judice rule at mahirap na masampahan ng ethics complaint.










