
Umabot sa 67 na mga health facilities sa bansa ang naiulat na nasira dulot ng pinagsamang epekto ng mga bagyo at ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat ayon ito sa Department of Health (DOH).
Sa press briefing na ginanap sa Camp Aguinaldo, sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Gloria Balboa na ang mga nasabing nasirang pasilidad ay mula sa Ilocos, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, CALABARZON, at Metro Manila.
Aniya, karamihan sa mga ito ay mga barangay health centers at ospital.
Gayunpaman, nilinaw ni Balboa na kahit ganun ay operational pa rin ang mga nasabing pasilidad.
Aabot naman sa higit P54 million na halaga ang pinsalang dinulot sa mga nasabing pasilidad na handa namang paglaanan ng Quick Response Fund ng Kagawaran.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Balboa na sapat ang suplay ng gamot lalo na ang Doxycycline para sa mga residenteng lumusong at lumubog sa baha.










