
Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga Pilipino na patuloy na itaguyod ang mas maayos na bansa sa gitna ng paggunita ng Araw ng mga Bayani.
Sinabi ni Gatchalian na kasabay ng pagpupugay sa mga bayani ng bansa, mas magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang mga sakripisyo kung ang bawat isa sa ay maglilingkod sa pamilya, komunidad, at bayan nang may integridad, katapatan at malasakit.
Nanawagan din ang senador na sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng bansa tulad ng pagbaha, korapsyon, mataas na presyo sa pagkain at kuryente, ay marapat na sama-samang pangalagaan ang kaban ng bayan at tiyaking ang bawat programa ng pamahalaan ay maayos, tapat at tunay na nagsisilbi sa bawat pamilyang Pilipino.
Bukod sa mga bayani ay kinilala naman ni Senator Christopher “Bong” Go ang rescuers, health workers, barangay personnel, volunteers at mga ordinaryong mamamayan na nagtutulong-tulong ngayong panay ang pagbaha dahil sa habagat.
Iginiit ni Go na hindi kailangang mamatay para sa bansa para masabing bayani kundi ang isang simpleng kabutihan tulad ng pagtulong sa kapwa ay isa nang “act of heroism”.
Samantala, ipinanawagan naman ni Senator Loren Legarda na hindi dapat matatapos sa pagtawag na bayani ang mga makabagong bayaning Pilipino na nagsisilbi sa mga komunidad kundi dapat ay tumbasan ito ng makatwirang sahod, kaligtasan sa trabaho, maayos na benepisyo at proteksyon sa kanilang mga pamilya.










