Nagpaalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA – Dagupan na maaring makaranas ng matinding init lalo na sa tanghali sa araw ng Undas.
Ayon kay Gener Quitlong, weather specialist ng PAGASA-Dagupan, maari pa ring makaranas ng init na panahon na posibleng umabot mula 40°c hanggang 42°c ang heat index.
Nagpaalala naman si Quitlong na magdala ng payong ang mga magpupunta ng mga sementeryo at panatalihing umiinom ng sapat na dami ng tubig.
Bukod dito, hindi rin umaano inaalis ang posibilidad ng mga pag-ulan lalo na sa hapon sa kabila ng init na nararanasan.
Paliwanag ni Quitlong, bunsod ito ng pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin na tinatawag na shear line na dulot ng Amihan at ilan pang natural na salik na maaaring magdulot ng pag-ulan.
Samantala, patuloy naman ang pagbibigay ng paalala ng mga awtoridad sa mga magnanais na dumalaw sa mga sementeryo upang maiwasan ang mga insidente sa kalusugan.
Patuloy rin ang paanyaya na sumunod sa mga patakaran sa loob at labas ng sementeryo maging sa mga kakalsadahan upang maging maayos ang paggunita sa Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










