ROMAN CATHOLIC CEMETERY SA DAGUPAN, TUTUTUKAN NG KAPULISAN SA UNDAS DAHIL SA INAASAHANG DAGSA NG TAO

Kabilang ang Roman Catholic Cemetery sa mga pangunahing tututukan ng Dagupan City Police Office o DCPO sa Undas 2026, kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga bibisita rito.

Ayon kay PCPT Shayne G. Daciego ng DCPO, kabilang ang naturang sementeryo sa mga natukoy na lugar na nangangailangan ng mahigpit na pagbabantay dahil sa dami ng mga dumadagsa rito kung saan marami na umanong tao kahit alas-siyete pa lamang ng umaga.

Kabuuang pitong sementeryo sa lungsod ang pagdedeployan ng mga tauhan ng City Mobile Force Company, anim na police station at iba pang personnel ng DCPO.

Tinatayang nasa 200 hanggang 300 pulis ang inaasahang ipakakalat sa mga lugar na ito.

Bukod sa seguridad ng mga bibisita, kabilang din sa binabantayan ang posibleng pagnanakaw at sunog sa mga bahay na maiiwang walang tao, gayundin ang mga aksidente sa kalsada dahil sa pagdami ng mga motorista. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments