Friday, May 8, 2026

Mga disaster assets ng PNP, pinakikilos na habang papalapit ang bagyong ‘Hagupit’ sa PAR

Pinakilos na ng Philippine National Police (PNP) ang emergency response preparations nito habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na “Hagupit”.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inalerto at nabigyan na ng abiso ang mga police commanders sa lugar na i-activate ang mga kinakailangang disaster response protocol.

Nabatid na iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring lumakas ang nasabing bagyo sa loob ng 48 oras at maabot ang kategoryang “high-end tropical storm.”

Kung saan inaasahan itong pumasok sa PAR ngayong weekend at tatawagin itong “Caloy”.

Ayon pa kay Nartatez, nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga lokal na pamahalaan para sakaling kailanganing magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga residenteng maaapektuhan ng nasabing bagyo.

Tiniyak din nito ang publiko na patuloy na mino-monitor ng PNP ang nasabing bagyo.

Nagpaalala naman ang PNP sa mga residenteng nasa at-risk o mapanganib na lugar na manatiling alerto at sundin ang mga opisyal na abiso para matiyak ang kaligtasan bago, habang, at pagkatapos ng pagdaan ng bagyo.

Facebook Comments