Sa gitna ng sunod-sunod na naitatalang viral na operasyon ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga drayber na walang suot na helmet at walang lisensya, muling pinaalalahanan ng Public Order and Safety Office (POSO) Dagupan ang mga motorista sa lungsod na mahigpit na sumunod sa mga alituntunin sa kalsada.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay POSO Chief Arvin B. Decano, hinimok nito ang mga drayber, mapa-pampublikong sasakyan man o pribadong motorista, na bigyang-prayoridad ang pagkuha ng lisensya at pagsunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Binigyang-diin din ni Decano na may kaukulang kaparusahan ang mga lalabag sa batas, partikular ang mga mahuhuling nagmamaneho nang walang lisensya at hindi nagsusuot ng helmet.
Samantala, sinabi naman ni Decano na kakaunti na lamang ang mga nahuhuling lumalabag sa mga alituntunin sa lungsod, at karamihan sa mga nasisita ay mga bisita o motorista mula sa ibang lugar.
Sa huli, tiniyak ni Decano na patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista at ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










