Matagumpay na binunot at sinunog ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 at mga awtoridad ng pulisya ang aabot sa 13,400 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱2.68 milyon sa isinagawang dalawang araw na operasyon sa Sitio Kibay-otan, Barangay Kayapa, Bakun, Benguet, noong November 25 hanggang 26, 2026.
Natuklasan ng mga operatiba ang ilegal na taniman ng marijuana sa bulubunduking bahagi ng lugar na may tinatayanglawak na 2,500 metro kuwadrado. Agad na binunot at sinunog sa mismong lugar ang lahat ng halamang marijuana alinsunod sa itinakdang operational procedures.
Pinangunahan ng PDEA La Union Provincial Office ang operasyon, katuwang ang PDEA Ilocos Sur Provincial Office,PDEA Regional Special Enforcement Team, Bakun Municipal Police Station, Benguet Police Provincial Office 1st Provincial Mobile Force Company, at PDEA Cordillera Administrative Region (CAR) Baguio-Benguet Office.
Walang naabutang nagtatanim o nag-aalaga ng marijuana sa nasabing plantasyon nang isagawa ang operasyon.
Wala rin umanong nakuhang iba pang ebidensiya na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng karagdagang beripikasyon at imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy angmay-ari ng lupain at ang mga indibidwal na nasa likod ng ilegal na pagtatanim ng marijuana.
Posibleng maharap sa kaukulang kaso ang mga mapatutunayang sangkot sa ilalim ng Section 16, Article II ng RepublicAct No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagbabawal sa pagtatanim o pagpaparami ng mga halamang itinuturing na mapanganib na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








