R1MC, LUMAMPAS SA 100% ANG BED OCCUPANCY RATE; EXPANSION HANGGANG 1,500 BEDS, NAKATAKDANG IPATUPAD

Naitala ng Region 1 Medical Center (R1MC) ang 101.67 porsiyentong bed occupancy rate noong Nobyembre 21, 2026, na nangangahulugang lumampas na sa itinakdang 600-bed implementing capacity ng ospital ang bilang ng mga pasyenteng naka-admit dito.

Batay sa datos ng ospital, mas mataas na sa kasalukuyang kapasidad ng pasilidad ang bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Marvin C. Callanta, M.D., Officer-in-Charge at Medical Center Chief II ng R1MC, sinabi nitong mayroon nang batas na nagtatakda ng pagpapalawak sa kapasidad ng ospital mula 600 hanggang 1,500 beds.

Gayunman, hindi pa umano maipatutupad ang nasabing pagpapalawak dahil kinakailangan pang tapusin ang ilang paghahanda, kabilang ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga imprastraktura ng ospital.

Dahil sa kakulangan ng mga kama, pansamantalang gumagamit ang ospital ng mga cot bed upang mabigyan ng mahihigaan ang mga pasyenteng nangangailangan ng confinement.

Aminado rin ang pamunuan na nakaaapekto sa kalagayan at kaginhawaan ng mga pasyente ang siksikang pasilidad.

Kaugnay nito, inihahanda na umano ang mga kinakailangang materyales, pondo at kontraktor para maisakatuparan ang planong pagpapalawak ng ospital.

Sa kabila ng limitadong kapasidad, tiniyak ng pamunuan ng Region 1 Medical Center na magpapatuloy ang pagtanggap nila ng mga pasyente, lalo na ang mga nangangailangan ng agarang atensiyong medikal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments