
Tiniyak ng Malacañang na makikipagtulungan ang mga gabineteng ipinatawag ng Office of the Ombudsman para magpaliwanag sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga pinagpapaliwanag ng Ombudsman ay sina Department of Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Jonvic Remulla, Philippine National Police o PNP Chief Rommel Marbil, PNP CIDG Chief Nicolas Torre III, at Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi tatakbuhan ng mga opisyal ng Ehekutibo ang kautusan ng Ombudsman na maghain ng counter affidavit sa inihaing reklamo laban sa kanila.
Malinaw aniya ang direktiba ni Pangulong Marcos sa mga opisyal na sundin ang tamang proseso sa pagsagot sa utos ng Ombudsman, basta’t valid o naaayon sa batas.
Muli namang nanindigan si Castro na naaayon sa batas ang mga ginawang pagsuko ng pamahalaan kay dating Pangulong Duterte.