Sunday, July 12, 2026

Kaso ng dengue sa Quezon City, umabot na sa mahigit 3,000

Umakyat na sa 3,013 ang naitalang kaso ng dengue sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Hulyo 9, 2026.

Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, mas mababa ito ng 49% kung ikukumpara sa 5,918 na dengue cases na naitala sa lungsod sa kaparehong panahon noong 2025.

Pinakamataas ang naitalang bilang ng kaso sa District 2, na umabot sa 1,077.

Pinakamaraming naapektuhan ng dengue ang mga batang nasa edad 10 pababa, na may 1,355 na kaso.

Nasa 15 na ang bilang ng mga nasawi dahil sa naturang sakit sa lungsod ngayong taon.

Paalala ng Local Government Unit (LGU) sa mga residente, gawin ang mga angkop na pag-iingat para maprotektahan ang pamilya laban sa dengue.

Magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health center kung may sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng ulo at tiyan.

Facebook Comments