
Sarado ngayon ang Congressional Avenue Bridge matapos umangat ang ilang bahagi ng tulay.
Ito ay matapos ang nangyaring sunog sa mga kabahayan na gawa sa light materials sa ilalim ng tulay kahapon ng gabi, July 11.
Dahil dito, naapektuhan ang malaking valve o tubo ng Maynilad na nagresulta sa malakas na pagsirit at pagtulo ng tubig. Habang magkabilang bahagi ng tulay ang umangat sa bahagi ng Brgy. Bahay Toro at Ramon Magsaysay.
Kung kaya’t nilagyan na ng harang ang tulay sa magkabilang panig at nagpatupad ng re-routing mula sa Cagayan St. Cor. Congressional Avenue at Villa Socorro Cor. Congressional Ave.
Daan-libong motorista naman ang naapektuhan na araw-araw umanong gumagamit ng Congressional Avenue Bridge.
Samantalang nasa 45 na pamilya ang naapektuhan ng sunog na kasalukuyang tumutuloy sa Bago Bantay Elementary School na nagsisilbing evacuation center.
Inaantabayanan pa ang magiging rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung paano kukumpunihin at kung hanggang kailan isasara ang tulay at kung papayagan ba ang pagdaan ng mga motorsiklo.










