
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa panganib na dulot ng Chronic Kidney Disease (CKD) na itinuturing na isang “silent killer” dahil sa kawalan nito ng mga paunang sintomas.
Ayon sa DOH, ang CKD ay isang kondisyon kung saan unti-unting humihina at nasisira ang mga bato kaya nahihirapang ilabas ang mga dumi at sobrang tubig sa katawan.
Giit pa ng DOH, mapanganib na magkaroon nito ang mga indibidwal na may diabetes, altapresyon, sakit sa puso, labis ang timbang, at may family history ng sakit sa bato.
Pasok din sa mga delikado ang mga madalas kumain ng maaalat, matatamis, at mga pagkaing may preservatives, pati na ang mga mahilig uminom ng alak at naninigarilyo, o gumagamit ng e-cigarette o vape.
Maaaring maranasan sa paglala ng CKD ang pamamaga ng mukha, kamay, at paa, madalas na pag-ihi sa gabi, kawalan ng gana sa pagkain, at hirap sa paghinga.
Babala ng kagawaran, ang pagpapabaya sa sakit ay maaaring magresulta sa tuluyang pagkasira ng mga bato na magreresulta sa pangangailangan ng dialysis o kidney transplant.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang lahat na uminom ng walo hanggang sampung basong tubig araw-araw, mag-ehersisyo, kumain ng prutas at gulay, at iwasan ang mga mapanganib na bisyo.










