Friday, September 25, 2026

Senador, umapela sa gobyerno na paglaanan ng pondo ang fuel subsidy program sa susunod na taon

Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go na paglaanan ng pondo ang fuel subsidy matapos mapansin na walang pondo para rito sa susunod na taon.

Nanawagan si Go sa gobyerno na tiyakin ang sapat na pondo para sa fuel subsidies partikular sa mga public utility drivers at iba pang sektor na ang mga kabuhayan ay agad naaapektuhan ng pagtaas ng produktong petrolyo.

Hinimok ni Go ang pamahalaan na gawing prayoridad ang pagbibigay ng pondo sa fuel subsidy at huwag hintayin na saka pa lamang magmamadaling humanap ng pagkukunan ng pondo kapag tumaas na ang presyo ng langis at nagrereklamo na ang mga kababayan.

Pinaalala rin ng senador ang Republic Act 12316 kung saan siya co-authored at co-sponsor, na nagbibigay ng mekanismo para payagan ang pangulo na pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise taxes sa mga produktong petrolyo kapag pumalo sa 80 dollars per barrel sa loob ng isang buwan ang presyo ng crude oil.

Kinumpirma naman sa pagdinig ng budget ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na humiling ang Department of Transportation (DOTr) ng ₱5 billion para sa fuel subsidy program subalit hindi isinama ng Department of Budget and Management (DBM) sa proposed 2027 national budget ang pondo para rito.

Facebook Comments