Inaasahang makikinabang ang mga kwalipikadong senior citizen sa Pangasinan sa pondong nakalaan para sa cash gifts sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, oras na maisabatas ang panukalang 2027 national budget.
Nasa ₱3.44 bilyon ang nakapaloob sa panukalang pambansang budget para pondohan ang cash incentives ng mga nakatatandang Pilipino na umabot sa milestone ages na 80, 85, 90 at 95 taong gulang.
Sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, tig-₱10,000 ang cash gift para sa mga senior citizen pagsapit nila sa naturang mga edad, habang ₱100,000 naman ang matatanggap ng mga Pilipinong umabot sa edad na 100.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, mas mataas ng ₱140 milyon ang panukalang pondo kumpara sa inilaan ngayong taon.
Sa Pangasinan, mahalaga ang koordinasyon ng National Commission of Senior Citizens o NCSC Region 1 at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na maayos na matutukoy at mapoproseso ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
Hinihikayat din ang mga pamilya na tiyaking nakarehistro at updated ang impormasyon ng kanilang mga nakatatandang kamag-anak sa NCSC upang maiwasan ang problema o pagkaantala sa pagproseso ng kanilang benepisyo.
Kamakailan, tampok din ang iba’t ibang programa para sa mga nakatatanda sa Pangasinan sa paggunita ng Elderly Filipino Week 2026 ng NCSC Region 1 sa CSI Stadia sa Dagupan City, kung saan kabilang sa mga ipinagkaloob ang ChariTimba mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang NCSC sa mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng mga benepisyo, kasunod ng direktiba ng administrasyon na mapabilis ang proseso at matugunan ang mga naitalang delay sa pagbibigay ng cash incentives sa mga kwalipikadong senior citizen. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










