Hindi lamang dagdag na alagang hayop kundi bagong pagkakakitaan ang inaasahang maidudulot ng mga kalabaw sa mga miyembro ng Surong Dairy Farm Sustainable Livelihood Program Association o SLPA sa Bani, Pangasinan.
Nakatanggap ng mga kalabaw ang asosasyon mula sa Philippine Carabao Center o PCC, sa koordinasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Bani, bilang bahagi ng programa para mapalakas ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at kanilang mga pamilya.
Sa ilalim ng livelihood program, maaaring pagkakitaan ng mga miyembro ang pag-aalaga at pagpaparami ng kalabaw, gayundin ang produksyon ng gatas.
Ayon kay Amalia Ramos, miyembro ng Surong Dairy Farm SLPA, malaking oportunidad para sa kanila ang pagkakaroon ng mga kalabaw dahil maaari nilang mapakinabangan ang gatas bilang dagdag na kita.
Bukod dito, inaabangan din ang planong pakikipag-ugnayan sa Arwas BreadHouse SLPA, kung saan gagamitin ang gatas ng kalabaw bilang isa sa mga sangkap sa paggawa ng kanilang mga produktong tinapay.
Sa ganitong paraan, hindi lamang kabuhayan ng mga miyembro ang maaaring mapalago, kundi maging ang lokal na produksyon ng gatas at mga produktong gawa mula rito.
Umaasa naman ang mga benepisyaryo na magpapatuloy ang suporta sa kanilang livelihood program upang higit pang mapalawak ang produksyon at madagdagan ang kita ng kanilang mga pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










