
Nagkaroon ng kalituhan at nakaranas ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa mga kalsada malapit sa Mendiola at Malacañang matapos manatiling sarado ang Ayala Bridge, San Sebastian Street, at Figueras Street.
Ilan sa mga pedestrian at motorcycle rider ay nagkaniya-kaniya muna ng diskarte upang makadaan sa mga saradong kalsada lalo na ang mga naghahatid sa mga unibersidad at paaralan.
Karamihan sa mga motorista ay nagrereklamo at nagtataka kung bakit huling binuksan ang mga kalsada at tulay kahit tapos na ang kilos-protesta ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nabatid naman na kumpara nitong nagdaang araw at kahapon, kakaunti na lamang ang mga pulis na nagbabantay sa mga lugar malapit sa Mendiola.
Bandang alas-10 ng umaga ay nagsimula nang tanggalin ang mga iniharang na barbwire at container van upang mabuksan ang daan.










