Friday, July 3, 2026

Ugnayan ng Pilipinas at Canada, itinaas na sa strategic partnership

Mas pinalakas ng Pilipinas at Canada ang kanilang ugnayan matapos itaas sa strategic partnership ang relasyon ng dalawang bansa kasunod ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney dito sa Vancouver, Canada.

Ayon kay Pangulong Marcos, inatasan na ang mga foreign minister ng dalawang bansa na bumuo ng “plan of action” upang maipatupad ang mga napagkasunduang hakbang at mapalawak pa ang kooperasyon sa mga pangunahing larangan.

Binigyang-diin ng pangulo na mahalagang haligi ng lumalakas na relasyon ng Pilipinas at Canada ang matatag na pagtutulungan sa depensa at seguridad.

Napagkasunduan din ng dalawang lider na pabilisin ang negosasyon para sa Canada-Philippines Free Trade Agreement, gayundin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa clean energy, food security, at disaster resilience.

Muling pinagtibay ng Pilipinas at Canada ang kanilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific, paggalang sa international law, at sa 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.

Nilagdaan din ng dalawang bansa ang mga kasunduan sa enerhiya at likas na yaman, turismo, kultura, paggawa, at migrasyon upang lalo pang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Canada at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mamamayan ng dalawang bansa.

Facebook Comments