Thursday, April 16, 2026

Mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa kalusugan ni Pangulong Marcos Jr., dapat managot

Iginiit ng grupong Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) na dapat managot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, dapat masampolan ang mga ito sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at Revised Penal Code, lalo na kung mapapatunayang may pananagutan sa pagpapakalat ng maling balita.

Aniya, ang mga kumalat na ulat tungkol sa umano’y masamang kalagayan ng kalusugan, pati na ang balitang pagkamatay ng Pangulo, ay napatunayang walang katotohanan.

Giit ni Goitia, hindi ito simpleng fake news dahil ang pagpapakalat ng ganitong uri ng maling impormasyon ay maituturing na seryosong panlilinlang na maaaring magdulot ng kaguluhan, makasira sa tiwala ng publiko, at makapagpahina sa estado.

Nabatid din na nakita umano ng publiko sa mga nakalipas na araw ang maayos na kalagayan ng Pangulo, kaya’t hindi na aniya dapat pagdudahan pa ang kanyang kondisyon.

Payo ni Goitia sa publiko na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon at tiyaking beripikado ang mga balita bago ito paniwalaan o ibahagi.

Facebook Comments