
Maglulunsad ng mga programa ang National Youth Commission (NYC) upang ihanda ang kabataan para sa nalalapit na Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay Elections.
Sa DILG Kapihan ngayong araw, April 16, iginiit ni NYC Chairperson at Chief Executive Officer Undersecretary Jeff Ortega na mahalagang alamin ng mga kabataang interesadong tumakbo ang tungkulin at responsibilidad ng pagiging SK Chairperson.
Ayon kay Ortega, maiiwasan ang pagkontrol ng mga politiko sa SK kung boboto ang kabataan ng mga kandidatong may kakayahan at integridad.
Pinayuhan din niya ang mga kabataan na kilalanin ang mga kandidato—kung sino ang may kakayahang lutasin ang mga problema sa barangay—at huwag lamang ibatay sa kasikatan ang kanilang pagpili.
Samantala, nakatakdang ilunsad ng NYC, katuwang ang Commission on Elections (COMELEC) at Commission on Human Rights (CHR), ang dalawang programa na layong ihanda ang kabataan sa SK at Barangay Elections, sakaling matuloy ang mga ito.










