
Aabot sa 90 residente ng Barangay 168, Deparo ang inilikas matapos ang pagtagas ng ammonia sa isang planta ng yelo.
Bukod sa mga inilikas, nasa 10 katao rin ang isinugod sa ospital dahil sa hirap sa paghinga bunsod ng pagkalantad sa tumagas na kemikal. Dahil dito, agad na naglabas ng public health advisory ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City.
Una nang pinagsuot ng face mask ang mga residente sa mga apektadong lugar mula BF Homes Phase 2 hanggang Deparo Intersection bilang pag-iingat.
Kaagad namang nakontrol ng pamunuan ng planta ang sitwasyon. Ayon sa may-ari nito, wala nang leak sa mga tubo at kasalukuyang dine-drain na lamang ang natitirang ammonia stock.
Nagpahayag ang pamunuan na handa silang sagutin ang mga pinsalang dulot ng insidente at humihingi ng paumanhin sa mga naapektuhang residente.
Patuloy din ang kanilang koordinasyon sa Caloocan LGU upang maibalik sa normal ang sitwasyon at makapagbigay ng tulong sa mga apektado. Tiniyak din ng planta ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan, barangay, at Bureau of Fire Protection (BFP) upang maiwasan ang pag-ulit ng insidente.










